-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inilikas na ang libu-libong residente sa bayan ng Guinobatan sa Albay na nasa lahar prone areas dahil sa banta ng bagyong Tisoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Ann Gemma Onjoco, kabilang sa mga inilikas ang mahigit sa 1,000 pamilya o tinatayang nasa 3,500 na mga indibidwal na naninirahan sa paanan ng bulkang Mayon.

Kabilang sa mga ito ang buong barangay ng Maninila, Tandarora at partial ng Muladbucad Grande at Barangay Maipon.

Maliban dito ay ipinag-utos na rin ng alkalde sa mga punong barangay ang localized evacuation para sa iba pang residente na nasa landslide at flood prone areas.

Dagdag pa ni Onjoco na nakahanda na rin ang mga relief goods na ipapamahagi sa naturang mga evacuees kaya walang dapat alalahanin ang mga ito.

Matatandaan na daan-daang mga residente ang namatay sa naturang bayan sa pananalasa ng bagyong Reming noong 2006 matapos dumausdos ang lahar mula sa bulkang Mayon.