KORONADAL CITY – Pinangangambahan na ang kaligtasan ng libu-libong manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa state-owned Saudi Aramco oil facilities matapos ang nangyaring pagpapasabog sa nasabing planta.
Sa ulat ni Bombo international correspondent Boyet Forro, nasa mahigit 40% ng kabuuang bilang ng mga nagtatrabaho sa Aramco ay mga Filipino skilled workers.
Dagdag pa nito, malaki ang naiaambag ng mga Pinoy workers sa operasyon ng itinuturing na isa sa pinakamalaking producer ng langis sa buong mundo ngunit nangangamba ang mga ito sa kanilang kaligtasan.
Samantala sa kabila ng pag-atake, wala namang nasaktan o namatay kung saan ipinasisiguro ng Saudi government na kontrolado nila ang mga pangyayari at may aksyon nang ginagawa upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng pag-atake.
Una nang nagpalabas ng paalala ang Philippine Embassy sa Riyadh na nakikipag-ugnayan sila sa mga Pilipino lalo na ang mga nagtratrabaho sa Aramco upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Pinayuhan din ang mga Pilipino sa Saudi na manatiling kalmado at mapagmatyag.