-- Advertisements --

Nagbabala ang libu-libong mga estudyante mula sa magkakaibang unibersidad sa Bangkok, Thailand na hindi sila titigil sa kanilang gagawing kilos protesta kahit na may kautusan pa ang gobyerno na nagbabawal sa pagsasagawa ng demonstrasyon.

Mas tumindi kasi ang galit ng mga protesters nang inaresto ang mahigit 20 aktibista kung kaya’t kanilang ipinapanawagan na palayain na ang mga ito.

Hindi nagpatinag ang mga estudyante kahit pa maraming mga riot police ang i-dine-deploy sa lugar.

Nagbanta pa ang mga ito na muling sasakupin ang kalsada ng Bangkok hangga’t hindi naibibigay ang kanilang hiling.

Samantala, iniulat naman ng ilang Pinoy sa Bombo Radyo na nagpalabas na ng kautusan ang embahada ng Pilipinas sa Thailand na huwag lumabas sa kani-kanilang mga tahanan hanggat nagpapatuloy ang mga protesta.

Nilinaw din nila na tanging ang Bangkok lamang ang apektado sa kaguluhan at payapa naman ang ibang mga lugar.

Napag-alaman na humigit kumulang sa 18,000 na mga overseas Filipino workers (OFWS) ang kasalukuyang nasa Thailand na nagtatrabaho bilang mga guro, nasa hotel at tourism industry.

Sa nasabing bilang naman, nasa 1,657 na ang sumailalim sa repatriation dahil sa COVID-19 pandemic.

Una nang sumiklab ang mga protesta sa Bangkok noong buwan ng Hulyo.

Kabilang sa panawagan ng mga ito ang pagbibitiw sa puwesto ni Prime Minister Prayuth Chan-ocha, ang dating army chief na namuno sa kudeta noong 2014 at umupo sa puwesto noong nakaraang taon. (with report from Bombo Jane Buna)