-- Advertisements --

Nagtipun-tipon ang libu-libong South Koreans sa Seoul sa gitna ng paghahanda ng Corruption Investigation Office for High-ranking Officials (CIO) na arestuhin sa ikalawang pagtatangka si President Yoon Suk-yeol ngayong araw ng Sabado, Enero 11 kaugnay sa kaniyang panandalian at nabigong deklarasyon ng martial law noong Disyembre 3, 2024.

Matatandaang nabigo ang naunang arrest attempt ng mga imbestigador ng CIO kay Yoon matapos silang harangin ng presidential security service na tumagal ng 6 na oras.

Ngayong araw, nagtipon ang mga tagasuporta maging ang mga anti-Yoon sa mga pangunahing kakalsadahan sa sentro ng Seoul sa kabila pa ng below zero degrees na temperatura para i-demand ang pag-aresto kay Yoon habang ang iba ay para ipanawagan na ideklarang walang bisa ang impeachment ni Yoon.

Ang mga taga-suporta ni Yoon ay nagrarally sa labas ng kaniyang presidential residence mula madaling araw pa lamang ngayong Sabado bago ang inilunsad na malakihang demonstrasyon kaninang alauna ng hapon sa central Seoul.

Habang ang hiwalay naman na rally ng anti-Yoon ay isinagawa kaninang 2:30pm at 4pm, local time.

Samantala, nitong Biyernes, nag-bitiw na sa pwesto ang presidential security chief ni Yoon na nahaharap sa questioning kaugnay sa pagharang ng kaniyang presidential security service guards sa mga imbestigador para arestuhin sana si Yoon.

Inihayag naman ng CIO na masusi nilang pinaghahandaan ang ikalawang pagtatangka para arestuhin si Yoon at nagbabalang ikukulong ang sinumang hahadlang sa kanila.

Base sa report mula sa Yonhap news agency, humiling ang National Office of Investigation sa high-ranking police officials sa Seoul na maghanda ng karagdagang 1,000 imbestigador na idedeploy para sa panibagong arrest attempt.

Habang sa panig naman ng PSS guards ni Yoon, pinaigting pa ang seguridad sa compound sa pamamagitan ng paglalagay ng barbed wire at bus barricades.

Maaalala, nag-ugat ang tangkang pag-aresto kay Yoon sa hindi niya pagharap sa mga pag-uusig kaugnay sa kinakaharap niyang criminal charges sa insurrection probe. Maliban dito nahaharap din sa nagpapatuloy na impeachment proceedings si Yoon.

Nakatakda namang simulan ang impeachment trial ni Pres. Yoon sa Martes, Enero 14 na magpapatuloy kahit hindi ito dumalo.

Kung sakali naman na tuluyang maisilbi ang arrest warrant laban kay Yoon, siya ang magiging kauna-unahang nakaupong Pangulo ng South Korea na maaaresto.