-- Advertisements --

Hindi inalinta ng libu-libong mga locally stranded individuals (LSI) ang napakahabang pila sa Rizal Park, Maynila kaugnay sa grand send-off sa kanila ng pamahalaan na nagsimula araw ng Sabado.

LSI luneta COVID AFP

Napag-alaman ng Bombo Radyo na marami sa mga ito ay Biyernes pa lamang ay nag-abang na at nagpalipas na lamang ng gabi sa Quirino Grandstand.

Para kay Benedict na kabilang sa nag-avail sa “Hatid Tulong” program ng gobyerno, hindi bale na ang puyat, pagod at gutom basta makauwi lamang ng probvinsiya sa GenSan.

Si Benedict ay kabilang sa swerteng nasa unahan ng napakahabang pila.

Dakong alas-7:00 ng umaga ng Sabado nang buksan ang registration para sa mga LSI na uuwi ng Region 9, 10, 11 at Region 12.

Matapos ang registration kung saan susulatan nila ang dalawang form ukol sa ilang katanungan, tutungo sila sa isang tent na may mga monoblock chairs.

Dito naman nila aantayin ang isasagawang rapid test sa kanila.

Makalipas ang ilang minuto kung malaman na negatibo sila sa COVID saka naman sila haharapin ng DSWD bago sumakay ng bus patungo sa probinsya na kanilang destinasyon.

LSI luneta COVID stranded

Isa namang ginang sa pangalang Elsa ang bitbit pa ang tatlong maliliit na anak at kasama ang kanyang mister.

Anila, hikahos na rin daw sila sa Metro Manila at babalik na lamang daw ng Davao Oriental.

Ang pinoproblema naman ng kanyang mister ay napakarami raw ng kanilang gamit dahil iniwan na nila ang inuupahan.

“Sana hindi rin kami pabayaan ng gobyerno sa probinsya para makapagbagong buhay kami,” ani mister ni Elsa.

Naabutan naman ng Bombo Radyo na abala sa pagsagot sa dalawang forms si Sozimo Juanite, Jr. isang pahinante na nagmula pa sa Nueva Ecija.

Agad itinuro Juanite ang kanyang misis na nasa wheelchair na ayon kay Mang Sozimo ay dalawang  buwan ng nakaratay sa karamdaman matapos ma-stroke at pinabayaan umano ng kanilang amo.

Inihatid sila sa Luneta ng ambulance na nagmula pa sa Bulacan.

Ang destinasyon naman nila ay biyaheng Ormoc.
Ipinakita rin niya ang medical clearance na negatibo raw sya sa coronavirus.

MPD ROLAND MIRANDA

Idinulog naman ng Bombo Radyo kay Manila Police District chief B/Gen. Rolando Miranda ang ilang obserbasyon na hindi na nasusunod physical distancing sa mga pila.

Agad namang tiniyak ng heneral na meron naman silang marshalls na umaasiste sa mga LSIs.

Nitong araw ng Linggo, mga LSI naman mula sa Reg. 1, 2, Cordillera at iba ang aasikasuhin ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Sinabi ni Gen. Miranda mahigit sa 3,000 ang nakalista sa kanila pero wala pa rito ang mga walkin.

Liban naman sa Rizal Park kung saan nasa 100 bus ang naka-park, tutulong na rin sa paghatid sa mga stranded residents ang cargo plane ng PAF at dalawa pang mga barko.