-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinangunahan ng Police Regional Office 2 at Bureau of Fire Protection o BFP Tuguegarao City pagsira sa libu-libong halaga ng mga nakumpiskang iligal na paputok mula sa ibat ibang himpilan ng pulisya sa Region 2.

Ayon kay regional director Angelito Casimiro ng Police Regional Office o PRO 2 katuwang ang kawanihan ng pamatay sunog o BFP Tuguegarao ang pagsira sa libu-libung halaga ng mga nakumpiskang iligal na paputok mula sa ibat ibang himpilan ng pulisya sa rehiyon dos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col Chivalier Iringan, tagapagsalita ng PRO 2 sinabi niya na ang mga sinirang paputok na kanilang nakumpiska ay Piccolo,one star happy ball, luces, higad, pill box, judas belt, missile shot,paper cut, five star, pop pop at ball cracker na nagkakahalaga ng P15,000.

Sinabi ni Iringan na bagamat mababa ang bilang ng mga nakumpiskang paputok sa pagdiriwang ng bagong taon ay nalulungkot ang pamunuan ng PRO-2 dahil sa kabila ng patuloy na pagpapaalala at mahigpit na pagmomonitor ng pulisya kontra sa mga iligal na paputok ay mayroon pa ring nasasamsam.