CENTRAL MINDANAO – Ikinatuwa ni Libungan, North Cotabato Mayor Christopher “Amping” Cuan na Top 5 ang bayan sa Social Amelioration Program (SAP) distribution sa buong bansa.
Mataas ang performance rating ng local government Units (LGU) Libungan sa isinagawang pamamahagi ng SAP at pagsusumite ng liquidation report.
Umabot sa 95% ang distribution rate ng Libungan sa emergency subsidy ng pamahalaan sa ilalim ng SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nangangahulugan ito aniya na ligtas ang bayan ng Libungan sa ipinalabas na show cause order ang DILG sa mga local chief executives na mahina ang performance sa pamamahagi ng SAP.
Una ng tiniyak ni Mayor Cuan na lahat ng pinakamahirap na pamilya sa bayan ng Libungan ay makakatanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bago ipinamahagi ang SAP sa bayan ng Libungan nagbabala na si Mayor Cuan sa mga Barangay Kapitan na siguraduhing makakatanggap ng tulong ang poorest of the poor.
Nagbanta rin si Mayor Cuan sa mga opisyal ng bayan lalo na ang mga barangay kapitan na masasangkot sa anomalya sa SAP na mananagot sila sa batas.
Maliban sa SAP ay ilang beses nang namahagi ng tulong ang LGU-Libungan sa mga pamilya na grabeng naapektuhan sa krisis dulot ng Coronavirus Disease.
Dahil dito ay pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Mayor Cuan sa mataas na performance ratings ng Local Government Unit (LGU) ng Libungan sa isinagawang pamamahagi ng Social Amelioration Program at pagsusumite ng liquidation report.
Kasama sa mga tatanggap ng parangal mula sa DILG at DWSD si Mayor Cuan.