Wala pa ring maibigay na plano ang gobyerno kung kailan nito ilalabas ang desisyon patungkol sa inaasahang license extension ng Malampaya project.
Sinabi ni Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) President at CEO Rozzano Briguez, wala pa raw ibinibigay na desisyon ang Department of Energy (DOE) kung kaya’t tuloy lang ang talakayan sa pagitan ng technical wokring group ng ahensya at consortium.
Ang PNOC-EC ay minority shareholder sa Service Contract (SC) 38 ng Malampaya project. Parte rin ito ng consortium-members na nakikipag-usap sa gobyerno para sa target nitong license extension.
Mapapaso na kasi sa 2024 ang SC 38 ng naturang gas field at batay sa pag-aaral na pinadala sa energy department ay mayroon itong potensyal na karagdagang gas na maaaring makuha mula sa field.
Subalit ayon sa consortium ng mga investors sa Malampaya, upang mapatunayan na maaaring ibenta ang makukuhang gas reserves dito ay kailangan munang magsagawa ng bagong well drillings na magreresulta naman para maglaan ulit ng pondo ang mga investors.
Kung hindi igagawad ang license extension para sa karagdagan pang 15 taon, sinabi ng Malampaya consortium na hindi sila maaaring magdesisyon sa additional capacity outlay ng field dahil walang kasiguraduhan na makakakuha sila ng bagong investment sa naturang proyekto.
Una nang itinakda ng DOE ang pagkakaroon ng halos walong kondisyon sa Malampaya consortium na may kaugnayan sa kanilang aplikasyon para sa license extension. Gayundin ang pagpasa nila ng mga pag-aaral sa natitirang reserves ng gas field na maaari pang makuha sa kasalukuyan.
Ang Malampaya gas field ay gumagamit ng innovative at sustainable deepwater technology para sa pag-recover ng natural gas mula sa deepwater reservoir sa Hilagang-Kanlurang bahagi ng Palawan.