TUGUEGARAO CITY – Nabuwag ng pulisya ang isang sindikato na sangkot sa pamemeke ng ibat-ibang uri ng pera at bank notes kasunod ng pagkakaresto sa lider at pitong miyembro nito sa entrapment operation sa lalawigan ng Isabela.
Kinilala ang lider ng grupo na si Minerva Roan, 53 anyos ng Brgy San Pedro, Angono, Rizal na nadakip kasama ang pitong miyembro ng sindikato sa Brgy. 3, Tumauini, Isabela.
Kasamang naaresto sa naturang operasyon ang mga miyembro nito na sina Fe Borromeo, 67 anyos at residente ng Santo Nino, San Mateo, Rizal; Michelle Quitalib, 63 anyos, biyuda at residente ng District 3, Cauayan City; Pilar Castillejo, 64 anyos at residente ng Nungnungan, Cauayan City; Monette Baronia, female, 41 anyos at residente District 3, Cauayan City, Rowena De Guzman, 53 anyos at residente ng Quirino, Maria Aurora, Aurora; Aji Marquez, 25 anyos at residente ng Sinimbaan, Roxas, Isabela at Jay Mark Bredico, residente ng Masaya Sur, San Agustin, Isabela.
Ayon kay PLTCOL Andree Abella, tagapagsalita ng PNP Region 2, modus ng sindikato na magbenta ng mga pekeng US Dollars at mga foreign dollar bank notes, old Philippine Currency at bank statement certificate na inangkat pa sa ibang bansa at nag-ooperate sa NCR, Region 4A at RO2.
Pinapaniwala ng sindikato ang mga biktima na gawa sa Gold ang mga pera na may mataas na halaga at katumbas ng mga pera ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nakadeposito sa ibang bansa.
Sinabi ni Abella na ang mga nakumpiskang foreign currencies na nagkakahalaga ng trillion dollars ay demonetized na o wala ng halaga.
Bukod dito nakumpiska rin sa mga suspek ang pitong bala ng Caliber 45 na baril, ang boodle money na P2M at ang ginamit na sasakyan
Nahaharap ngayon ang mga suspek ng kasong Illegal Possession and Use of Bank Notes and Other Instrument of Credit at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.