CENTRAL MINDANAO-Dalawa ang nasawi sa Law Enforcement Operation ng mga otoridad laban sa mga armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Mando Mamalompong alyas Kumander DM Sub-Commander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at kanyang kanang kamay na si Nor hamid Sabdulla.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Bernard Tayong ang tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office na nagpatupad ng search warrant operation ang pulisya katuwang ang 34th Infantry Battalion Philippine Army sa tahanan ni Kumander DM sa Sitio Macantal Barangay Olandang Midsayap North Cotabato.
Papasok pa lang ang raiding team ay pinaputukan na sila ng grupo ni Kumander DM.
Napilitan ang mga sundalo at pulis na gumanti sa mga rebelde dahilan ng kalahating oras na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Nasawi sina Mamalumpong at Sabdulla kung saan nakuha sa kanilang posisyon ang isang M16 Armalite rifle,isang M14,mga bala at mga magazine.
Kinomperma naman ni Cotabato Police Provincial Director Colonel Maximo Layugan na si Mamalumpong ay nahaharap sa kasong multiple murder,arson,robbery hold-up,extortion,multiple frustrated murder at iba pa.
Sa ngayon ay nasa heightened alert ang militar at pulisya sa bayan ng Midsayap Cotabato sa posibling pagganti ng grupo ni Kumander DM.