BUTUAN CITY-Matagumpay ang inilusad na “Oplan Pagtugis” at Oplan “Salikop” sa founder ng Forex Rice Trading Group na tumakas sa Agusan del Sur matapos hanapin ng mga tao na kanyang naloko at nakapag-invest ng ilang daang libong pesos nitong nakaaraan na taon.
Naaresto pasado alas-3:30 kaninang hapon sa Banker’s Village sa Brgy. Jaro, Iloilo City ang 29-anyos na si Dimber Celis, may-asawa, at residente ng Purok 14, Brgy. Bahbah, Prosperidad, Agusan del Sur.
Napag-alamang ang joint operatives ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Caraga, kapulisan ng Agusan del Sur at Regional Intelligence Division-13 ang naka-aresto sa suspek sa bisa ng dalawang warrant of arrest sa kasong syndicated estafa nai inisyu ni Judge Fernando Fudalan Jr, acting presiding judge sa RTC, Branch 7 na nakabase sa Bayugan City, Agusan del Sur at walang inerekomendang pyansa.
Nabatid na si Dimber Celis ang lider at founder ng FOREX at ikatlo na Most Wanted Person sa Manhunt Charlie sa regional level ng Police Regional Office PRO-13 at ikapito na Most Wanted Person sa Provincial Level sa Agusan del Sur na may kaugnayan sa Ponzi Scheme investment scam sa Caraga Region at Region 11.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng tanggapan ng pulisya para sa pansamantalang detensyon bago bumalik ang WOA sa korte.