-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nakatakdang sampahan ng karagdagang kaso ang itinuturong lider ng notoryus na robbery group na sinasabing nag-ooperate hindi lamang sa Negros Occidental kundi pati na rin sa Negros Oriental makaraang mahuli ng mga pulis.

Si Francisco Epogon, 30-anyos, tubong Barangay San Jose, Sipalay City, Negros Occcidental ay nahuli sa Barangay Isio, Cauayan, Negros Occidental nitong Linggo ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay P/Maj. Lowell Garinganao, hepe ng Cauayan Municipal Police Station, si Epogon ay sinilbihan ng warrant of arrest.

Ito ay may kinalaman sa kasong robbery with violence against or intimidation of person by a band kaugnay sa serye ng panghohold-up sa ilang lugar sa Negros Island lalo na sa 6th District ng Negros Occidental.

Ang suspek ay nahuli sa bahay ng kanyang kasintahan sa Cauayan.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang pineapple grenade na nakalagay sa kanyang bag.

Ang Epogon organized crime group ay siya ring itinuturong suspek sa panloloob sa malaking bahay sa Villa Angela Subdivision, Barangay Villamonte, Bacolod City nitong Hunyo 17 kung saan kanilang pinatay ang may-ari na si Carl Nolens, isang Belgian national.

Nanawagan naman si Garinganao sa mga biktima ng grupo na magbisita sa police station upang masampahan ito ng karagdagang kaso.

Marso 9 ngayong taon, si Epogon ay nahuli rin sa checkpoint sa Barangay 3, Sipalay City kasama ang kanyang kuya na si Ruel ng Barangay Handumanan, Bacolod City.

Nakuha sa kanilang possession noon ang mga ilang mga baril at maraming mga bala ngunit sila ay nakapagpyansa.

Ang Epogon brothers ay iniugnay din ng mga pulis sa armed robbery sa Northern Negros Electric Cooperative sa Manapla at panloloob sa distillery plant ng Tanduay sa Murcia kung saan kanilang natangay ang P500, 000 na cash at mga baril ng mga gwardiya noong buwan ng Pebrero nakaraang taon.