Boluntaryong sumuko ang lider ng Mamalapat private armed groups (PAGs) at ang anim nitong mga kasamahan sa mga tauhan ng PNP-CIDG sa Municipal Hall ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Kinilala ni PNP CIDG director M/Gen. Albert Ignatius Ferro ang lider ng Mamalapat na si Tamano Mamalapat.
Sumuko din ang anim na tauhan nito nitong nakalipas na araw na sina: Butukan Latip Dodi; Adan Dibalaten Mamalapat, Toto Bela Bugado, Abidin Sabang Guimat, Fahad Taluyan Asi at Bhots Guimat Tipay.
Sinabi ni Ferro ang pagsuko ng Mamalapat private armed groups ay inisyatibo ng CIDG regional field unit sa Bangsamoro Autonomous Region (BAR) sa pakikipag tulungan ni Municipal Mayor Edriz Sindatok ng Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao.
Pinuri ni Gen. Ferro ang pagsuko ng grupo ni Mamalapat lalo na at pinalakas ng PNP ang kanilang kampanya laban sa mga private armed groups.
Sinabi ni Ferro malaking tulong sa PNP at sa komunidad ang pagsuko ng grupo ni Mamalapat upang mabawasan ang kriminalidad at mananatili ang kaayusan at kapayapaan sa lugar.
Isinuko ng grupo ni Mamalapat ang isang M16 rifle, isang M-79, tatlong caliber .30 M1 garand rifles at isan improvised barret.
Dahil sa pagsuko ng Mamalapat group, nabuwag na ng PNP ang nasabing private armed groups.
Sa kabilang dako, isinuko naman sa PNP ni Ampatuan, Maguindanao Mayor Bai Leah Sangki ang ilang high-powered firearms na itinuturing na mga loose firearms.
Ito ay ang mga sumusunod: dalawang ELISCO M16A1 rifles; tatlong caliber .30M1 garand rifles; isang homemade caliber .30 muzzle rifle (bolt action); isang homemade shotgun; isang M203 grenade launcher/tube; at isang homemade caliber .9mm UZI sub-machine gun.
Sinabi ni Ferro dahil sa pinalakas na kampanya ng PNP laban sa loose firearms sa pakikipag tulungan sa mga lokal na opisyal nahikayat ang mga firearms holder na walang lisensiya at dokumento na isuko ang kanilang mga armas sa otoridad.