BAGUIO CITY – Arestado ang isang miyembro ng isang notorious na criminal group at lider ng mga suspek na nanloob sa tahanan ng isang mataas na opisyal ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Tuba, Benguet noong buwan ng Oktobre 4.
Kinilala ni PMaj. James Acod, hepe ng Tuba Municipal Police Station ang nahuling wanted person na si Archie Joshua Canlas Francia.
Nahuli si Francia sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Jorge Manaois Jr. ng Regional Trial Court Branch 10, La Trinidad, Benguet dahil sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons na may piyansang P100,000.
Isinilbi ng nagsamang puwersa ng mga pulis ng Benguet at Angeles City ang nasabing warrant laban kay Francia sa Cacutud, Angeles City.
Sinabi ni Acod na si Francia ay kasapi ng Pineda Criminal Group na responsable sa serye ng robbery incident, carnapping, illegal drugs trafficking at iba pang iligal na aktibidad sa Angeles City at mga kalapit na bayan ng lungsod.
Magkakasunod namang nahuli noong Oktubre 9 at 10 ang tatlong mga kasamahan ni Francia na sina Lady Bundalian Ronquillo, Brian Gomez Baesa at Roland Mendoza Guevarra matapos ituro ng mga ito ang lokasyon ng isa’t isa sa Angeles City.
Suspek ang apat sa kasong robbery hold-up sa bahay ni PNPA Commandant of Cadets PBGen. Wilfredo Cayat kung saan tinangay nila ang mga personal belongings at cash na higit P100-K bago sila tumakas sakay ng isang SUV.