-- Advertisements --
248430088 203265255265807 6487599758438775407 n

BAGUIO CITY – Patay ang isang lider ng New People’s Army (NPA) at isang kasamahan nito sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng kanilang grupo at ng tropa ng pamahalaan sa Gueday, Besao, Mountain Province kaninang madaling araw.

Batay sa report, nagsasagawa ng joint combat operations ang Bravo Company, ng 69th Infantry Battalion, Philippine Army (PA), kasama ang mga pulis para kumpirmahin ang report ukol sa presensiya ng mga rebelde na nangingikil at naghahanap ng pagkain sa nasabing lugar.

Gayunman, doon na nakaengkwentro ng mga sundalo ang grupo ng Kilusang Larangang Guerilla Abra-Mountain Province-Ilocos Sur (KLG-AMPIS) ng NPA na pinangungunahan ni Marcos Kina-ud Yocogan alias Corel/Timmy.

Nagtapos ang sagupaan pagkatapos ng aabot ng sampung minuto.

Narekober mula sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang bangkay na kinilalang sina Marcos Yocogan na residente ng Bangaan, Sagada, Mountain Province at ng kasama nitong nakilala sa alias na “Simon.”

Narekober din mula sa encounter area ang dalawang R4 rifle, dalawang bandolier na may siyam na magazine na naglalaman ng mga bala, isang improvised explosive device (IED) at iba’t ibang mga kagamitan kasama na ang ilang subversive documents.

Sa ngayon, ibinaba na sa bayan ang mga bangkay ng napaslang na mga rebelde.

Sinabi naman ni 7ID, PA Acting Commander Brigadier General Luis Rex Bergante na ang tagumpay ng operasyon ay resulta ng patuloy at walang humpay na pagsisikap ng community support program team ng militar, ng malakas na suporta ng mga mamamayan at ng Whole-of-Nation Approach sa pamamagitan ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Aniya, posibleng napigilan ang pagkasawi ng dalawang rebelde kung payapang sumuko sa mga otoridad ang mga ito.

Pinangako din niya na mas hihigpitan pa ng Philippine Army ang military operations ng mga ito laban sa KLG-AMPIS ng NPA sa Mountain Province hanggang sa sumuko o mahulog sa kamay ng batas ang kahuli-hulihang kasapi nito.

Dinagdag pa nito na nananatili ang kanilang apela para sa payapang pagsuko sa pamahalaan ng mga natitirang kasapi ng KLG-AMPIS lalo na at handa naman silang tumulong sa pagbabalik-loob ng mga ito.

Maaalalang noong nakaraang September 28 ay nagkaroon ng engkwentro ang tropa ng pamahalaan at ng KLG-AMPIS ng NPA sa Bontoc, Mountain Province kung saan nasawi ang dalawang rebelde at nakumpiska ang iba’t ibang nmga armas.