-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa kustodiya na ng pulisya ang itinuturong lider ng New People’s Army (NPA) na nahuli ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis sa Kabankalan City, Negros Occidental kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Brigadier General Benedict Arevalo, sinabi nitong naaresto si Abraham Villanueva sa Barangay Tampalon, Kabankalan City matapos masundan ng mga otoridad.

Ang pagka-aresto kay Villanueva ay nangyari habang nagpapatuloy ang clearing operations sa Moises Padilla kasunod ng engkwentro kahapon.

Kasama ni Villanueva ay dalawang iba pang miyembro ng komunistang grupo, ngunit hindi pa pinangalanan ni opisyal.

Si Villanueva, ayon kay Arevalo, ay lider ng southwestern front ng NPA sa Negros Occidental.

Umigib umano ang NPA leader nang sinundan ng mga otoridad kaya ito nadakip.

Nakuha sa kanya ang isang .45 caliber pistol at granada.

Kaninang umaga, nagsagawa ng clearing operations ang mga sundalo na nagresulta sa panibagong sagupaan sa Barangay Tampalon.

Ayon kay Arevalo, hindi bababa sa 10 NPA members ang nakasagupa ng militar kanina ngunit walang sugatan sa tropa ng gobyerno.