CAUAYAN CITY – Ibinaon umano ng mga kasamahang rebelde ang bangkay ng kanilang kumander matapos masawi sa naganap na enkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa San Guillermo, Isabela noong Marso 15.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maj. Jekyll Dulawan, public affairs office chief ng 5th Infantry Division, Philippine Army, na habang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga sundalo sa mga tumatakas na miyembro ng New People’s Army (NPA) ay natunton nila na may bagong nakalibing sa Dingading, San Guillermo.
Kasama ng mga sundalo ang mga pulis sa naghukay sa nakalibing.
Kinilala ng mga nauna nang sumukong NPA ang bangkay na nahukay na si Aka Yuni, commander ng Regional Operations Command at pinuno rin ng Regional Centro De Gravidad.
Si Aka Yuni ay galing sa Mindanao at ipinadala ng kanilang grupo sa Region 2 upang buhayin ang grupo at buuin ang front committee sa Nueva Vizcaya-Quirino.