-- Advertisements --

Inaresto ng mga otoridad sa South Korea ang pinuno ng isang religious sect na nauugnay sa pinakalamaking outbreak ng coronavirus sa bansa.

Batay sa ulat, dinakip nitong Sabado ng umaga si Lee Man-hee, 88-anyos, at pinuno ng Shincheonji Church of Jesus, kasunod ng isinagawang imbestigasyon.

Sinabi ng isang hukom na may nakita raw silang senyales na sinira umano ang mga ebidensya kaugnay sa kaso.

Matatandaang pumalo sa mahigit 5,000 ang mga miyembro ng sekta na kinapitan ng virus, na 36% ng kabuuang COVID-19 cases sa South Korea.

Inaakusahan din si Lee na inililihim ang impormasyon tungkol sa mga miyembro ng kanilang grupo, maging ang ginagawa nilang pagtitipon mula sa mga contact tracers.

Maliban dito, may paratang din kay Lee na kinulimbat nito ang nasa 5.6-billion won o katumbas ng $4.7-milyon at nagsasagawa din daw ng hindi otorisadong mga religious events.

Depensa naman ng simbahan, nababahala raw si Lee sa privacy ng kanyang mga miyembro, pero hindi raw nito itinago ang mga impormasyon sa mga kinauukulan.

“The court’s issuance of an arrest warrant doesn’t mean a guilty verdict,” dagdag nito. “All possible efforts will be made to unveil the truth in the upcoming court trials.”

Sa kasalukuyan, may 14,336 coronavirus cases ang South Korea, at 300 na mga nasawi dahil sa virus. (BBC)