LEGAZPI CITY — Binigyang linaw ng isang lider ng Simbahang Katolika ang pagkontra sa isusulong na death penalty sa pagbubukas ng 18th Congress.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Archdiocese of Legazpi Social Action Center Director Father Rex Arjona, sinabi nito walang puwang sa gobyerno ang death penalty lalo na marami namang paraan upang makuha ang hustisya at ma-rehabilitate ang mga nagkasala.
Inihalimbawa ng pari ang nangyaring summary execution o extra judicial killings (EJK) sa kampaniya kontra-iligal na droga kung saan pinapatay na ang mga naaarestong small time drug personality bago pa man mahatulan.
Tinawag pa ni Arjona na “fake” o “failed” ang drug war ng administrasyon.
Dagdag pa nito na sa pagpasa ng death penalty makikita ang pagiging independent ng Senado at ito aniya ang isa sa konsekwensya ng pagkapanalo ng mga kandidato o “yes man” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mariin din nitong tinawag na kasinungalingan lamang ang pahayag ng mga mambabatas na magiging independent ang Senado.