-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay sa nangyaring running gun battle ang tinukoy na pinuno ng organized robbery group na mayroong koneksyon sa tinaguriang Ozamiz crime syndicate sa Lerio St., Barangay Carmen, Cagayan de Oro City kagabi.

Kinilala ang suspek na si Archilito Palubon alyas Bingkol na tubong bayan ng Tudela, Misamis Occidental nang maaktuhan ng pulisya ang kanilang panghoholdap sa New Cagayan CCH Hardward sa Ipil Street sa lungsod.

Sinabi ni Cagayan de Oro City police office spokesperson Maj. Evan Viñas, hindi alam ni Palubon na naghihintay na pala ang mga pulis kung kailan sila lalabas habang kinukuha ang kinikita ng kanilang pinakahuling biktima.

Inihayag ng opisyal na magsasara na sana ang hardware nang pinangunahan ni Palubon ang pagpasok kaya hindi nakagalaw ang mga empleyado.

Subalit nasaksihan kasi ng ilang market vendors ang pangyayari kaya agad dumulog sa pulisya kaya nangyari ang habulan at barilan.

Natamaan sa likod ng 9mm pistol ang suspek at tumagos ito sa kanyang dibdib kaya binawian ng buhay.

Ang grupo ni Palubon ay hindi lamang responsable sa maraming robbery incidents sa Cagayan de Oro City subalit umaabot din ito sa ilang bahagi ng Mindanao partikular sa rehiyon ng Caraga kaya nagpatung-patong na mga kaso nito sa korte.

Kung maalala, sunod-sunod na na holdap ang branches ng LBC sa ilang bahagi ng Mindanao at batay sa kuhang footages ng CCTV, mukha ni Palubon na pansamantang nakatira sa Cagayan de Oro ang lumabas.