Dumistansya si Senate President Juan Miguel Zubiri sa plano ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Una nang tumanggi si Zubiri na magkomento sa plano ni dating pangulong Duterte ngunit dagdag nito na ito ang huling bagay na gusto nila.
Ayon kay Zubiri, dapat na maghinay-hinay sa anumang away dahil ang importante ay ang kapakanan ng bansa.
Sa palagay ng liderato ng Senado, ang bangayan o away sa pagitan ng iba’t ibang grupo ay hindi makabubuti sa ating bansa at mga anak.
Samantala, tutol naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa anumang mungkahi ng paghihiwalay ng bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Naniniwala naman si senador Francis Tolentino na ang plano ay “not constitutionally possible.”
Noong Martes ng gabi, inihayag ni Duterte ang ideya na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas sa pamamagitan din ng proseso ng pangangalap ng mga lagda.
Sa isang pulong balitaan sa Davao City, sinabi ni Duterte na si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang unang nagtulak para sa “Desirability of Mindanao seceding from the republic of the Philippines.”