Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Philippine Coast Guard na agad putulin at alisin ang lahat ng illegal structures sa West Philippine Sea partikular na ang floating barrier sa Bajo de Masinloc.
Ito ay hindi lamang upang igiit ang ating sovereign rights kundi para na rin sa kaligtasan ng mga mangingisdang pumapalaot sa lugar.
Sinabi ng senate president, na batay sa kanilang impormasyon ang China ang naglagay ng floating barrier sa Bajo de Masinloc.
Binigyang-diin ni Zubiri na walang karapatan ang China na maglagay ng anumang istruktura sa ating Exclusive Economic Zone.
Pangalawa, nagdudulot ito ng panganib sa mga dumaraang fishing boat na maaaring mabuhol sa barrier at maging dahilan ng pagkawasak ng propellers at makina.
Nagpasalamat naman si Zubiri sa Philippine Coast Guard sa walang pagod nilang pagbibigay proteksyon sa ating Exclusive Economic Zones lalo na sa Bajo de Masinloc.
Tiniyak niyang suportado ng buong Senado ang pwersa ng tropa ng pamahalaan na nagsasakripisyo para sa ating kalayaan.