Matapos ang ilang insidente ng pagkalunod na kumitil sa buhay ng mahigit 70 nitong nagdaang Semana Santa, muling isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang maglagay ng lifeguard sa bawat pampublikong swimming pool o anumang bathing facilities sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1142 o ang Lifeguard Act of 2022, mandato ng bawat pampublikong swimming pool na magtalaga ng certified lifeguard sa kabuuan ng oras ng operasyon nito.
Kakailanganin din ng mga pool operator ng isa pang lifeguard sa bawat 250 square meters na dagdag sa swimming pool.
Dapat rin aniya ay sertipikado ang lifeguard ng kahit anong nationally recognized organization na accredited ng Department of Health (DOH).
Nakasaad din sa panukalang batas na kailangang bigyan ng pool operators ang mga local government units (LGUs) ng sertipikasyon at supporting documents upang patunayang may sapat na bilang ng lifeguard na nakatalaga sa kanilang pasilidad.
Magiging responsibilidad naman ng mga LGU na tiyaking sumusunod ang mga pampublikong swimming pool sa mga itatakdang pamantayan.
Kasama rin sa mga responsibilidad ng mga LGU ang pagsasagawa ng mga lokal na inspeksyon na pamumunuan ng local health officers.
Naitala ng Philippine National Police nitong Abril 9 na may 72 katao na namatay sa pagkalunod noong nagdaang Semana Santa.
Kasama sa mga nasawi ang mga batang napabayaan ng kanilang mga guardians habang naliligo sa mga beach o swimming pools.
Hindi pa nilalabas ng PNP ang detalyadong listahan ng mga nasawi at kung saang beach resort o swimming pool nangyari ang mga trahedya.
Itinuturing ng World Health Organization na isang hamon sa pampublikong kalusugan ang pagkalunod.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang pagkalunod ang pangalawang sanhi ng pagkamatay sa mga batang may edad na 5 hanggang 9 noong 2021, pang-anim na sanhi ng pagkamatay sa mga batang 1 hanggang 4 na taon, at pangalawang sanhi ng pagkamatay sa mga kabataang 10 hanggang 14 na taong gulang.
Sa 879,429 na mga namatay noong 2021, 3,604 ang dahil sa aksidenteng pagkalunod at paglubog.
Pinakamataas ang bilang ng mga namatay sa hanay ng mga batang nasa 1 hanggang 4 na taong gulang na umabot sa 370. Kasunod nito ang mga batang 5 hanggang 9 na taong gulang na umabot sa 356. May 330 ring naitalang namatay sa mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang, 258 sa mga may edad na 20 hanggang 24, at 247 sa mga may edad 15 hanggang 19.