-- Advertisements --
Bucor
BuCor

Inirekomenda ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ay matapos na mapabalitang kasama ang convicted plunderer at pork barrel scam queen Janet Lim Napoles sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) program ng BuCor noong panahon ni dating director general at kasalukuyang Sen. Ronald dela Rosa.

Pero mukha aniyang malaking halaga ng pera ang dahilan din kung bakit hindi napasama si Napoles sa mga napalayang bilanggo dahil sa GCTA law.

Dahil dito, sinabi ni Zarate na hindi malayong totoo talagang mayroong mafia sa loob ng BuCor na kumikita sa GCTA scam.

Kaya marapat lamang aniya na magkaroon ng lifestyle check sa mga opisyal ng BuCor mula noong 2014 para mapanagot ang mga dapat panagutin.

Samantala, iginiit naman ni ACT-CIS Rep. Eric Yap na hindi sapat na pinatalsik lamang sa serbisyo ang ilang mga opisyal ng BuCor tulad ng dating Chief Nicanor Faeldon.

Hiniling ni Yap ang tuluy-tuloy na pagdinig dito upang masawata na ang GCTA for sale at mapanagot ang mga nagsamantala sa batas.