-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tuloy pa rin umano ang isasagawang lifestyle check ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga matataas na opisyal at ilang kawani ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ito ay matapos na banggitin ni Sen. Bong Go na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may 10 papangalanang sangkot sa katiwalian mula sa naturang ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PACC Commissioner Greco Belgica, sinabi nitong ‘di ligtas sa isasagawang imbestigasyon ang naturang mga indibidwal.

Ayon kay Belgica, sisibakin ang mga ito saka dadalhin ang kaso sa Office of the Ombudsman at sasampahan pa ng hiwalay na kaso sakaling mapatunayang may unexplained wealth ang mga ito.

Sinabi pa ni Belgica na uumpisahan ang pag-iimbestiga sa nasa 13 hanggang 20 identified personnel hanggang sa makakuha ng ebidensya.

Aminado ang PACC commissioner na mahirap magtakda ng timeline para rito subalit posible umanong abutin ng dalawa hanggang tatlong buwan ang pagsusuri na nakadepende sa kumpletong dokumentong ihahain ng mga respondents.