Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr. na dadaan sa lifestyle check ang mga police colonel at heneral bilang bahagi ng pagsisikap ng Philippine National Police na tanggalin ang mga nasa kanilang hanay na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Aniya, ang lifestyle check ay kabilang sa mga paraan na susuriin ng limang miyembrong panel na responsable sa pagrepaso sa mga rekord ng mga opisyal ng pulisya kung kaninong courtesy resignation ang tatanggapin at kung sino ang tatanggihan.
Nauna na ring sinabi ni Baguio Mayor Benjamin Magalong — dating heneral ng pulisya at nag-iisang miyembro ng panel na pinangalanan pa sa publiko— na magiging bahagi ng proseso ng screening ang lifestyle check.
Sinabi niya na ang aktwal na mga alituntunin ay hindi pa naipapasa ngunit ang panel ay inaasahang “i-screen, to evaluate, to validate” ang mga rekord ng mga opisyal ng pulisya.
Ang lifestyle check, ayon sa website ng Office of the Ombudsman, na dating nagsasagawa ng mga ito, ay isang “investigation strategy na binuo ng mga anti-corruption agencies para matukoy ang pagkakaroon ng ill-gotten and unexplained wealth” ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.