KORONADAL CITY – Labis ang saya ng mga Kuwaiti employers matapos mabalitaang tinanggal na ng Department of Labor and Employment ang total deployment ban papunta sa naturang bansa.
Ngunit labis naman itong ikinadismaya, ikinalungkot at ikinagalit ng ilang mga domestic helpers.
Ito ang naging reaksyon ni Teresa Navarro, isang OFW sa Kuwait sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Navarro, mistulang pinatunayan ng Pilipinas sa Kuwait na madadala lamang umano sa pera ang anumang kaso ng pagmamaltrato o pagkakapatay sa ating mga kababayan sa naturang bansa.
Itinuturing umanong blessing mula kay Allah ang pag-lift ng naturang ban.
Ngunit kung tatanungin umano ang ating mga kababayan sa ating mga bansa, abot-langit ang kanilang pagkadismaya at galit sa desisyong ito ng gobyerno na nagpadalos-dalos sila sa kanilang mga hakbang.
Dagdag ni Navarro, sinira na ng pamahalaan ang pag-asang repatriation ng mga distressed OFWs dahil sa nasabing pagtanggal ng ban.