MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na ligtas pa rin iturok ang COVID-19 vaccine ng kompanyang AstraZeenca sa populasyon ng senior citizens sa bansa.
Ito ay kasunod ng suspensyon ng Pilipinas sa paggamit ng nasabing bakuna sa mga edad 59-years old pababa dahil sa mga naitalang kaso ng pamumuo ng dugo at mababang platelet count sa ilang nabakunahan sa Europe.
“On the contrary, yung (mga kaso ng blood) clotting and thrombocytopenia (low platelet count) was not seen in people 60 and above,” ani FDA director general Eric Domingo
“Yung 60 and above, definitely sila yung pinaka magbe-benefit sa bakuna. Sila yung pinakamataas ang risk for getting and dying for COVID-19… so hindi talaga natin iniisip na maglimit sa paggamit sa mga senior citizen.”
Ayon sa opisyal, ang pansamantalang pagpapatigil sa pagbabakuna ng AstraZeneca ay paghahanda sa posibleng bagong protocol.
Sa ngayon kasi, ang nakita pa lang na ebidensya sa pag-aaral ng mga eksperto, ay ang limitadong kaso ng blood clotting at mababang platelet count sa mga may edad 59-anyos pababa.
“Para kapag nagbakuna tayo ulit, alam natin yung advice na mabibigay natin sa mga magbabakuna at babakunahan.”
Una nang sinabi ng European Medicines Agency na ikinokonsidera lang nitong “very rare adverse effect” ang pamumuo ng dugo sa mga nabakunahan ng AstraZeneca.
Sinabi rin ng ahensya na may ebidensya pa rin na mas matimbang ang benepisyo ng bakuna kumpara sa potensyal na banta.
“The reported combination of blood clots and low blood platelets is very rare, and the overall benefits of the vaccine in preventing COVID-19 outweigh the risks of side effects,” ayon sa EMA statement.
Inamin ng Department of Health (DOH) na ubos na ang paunang supply ng Pilipinas sa AstraZeneca vaccines.
Ito ay ang 525,600 doses na donasyon ng COVAX Facility ng World Health Organization.
“They (WHO) gave that assurance that towards the end of April, we will get our COVAX-batch of AstraZeneca vaccines. Hopefully the commitment is there.”
Sa ilalim ng iginawad na emergency use authorization ng FDA sa bakuna ng AstraZeneca, inirerekomenda itong magamit sa mga may edad 18-years old pataas.