Siniguro ng Department of Education (DepEd) na hindi sila bubuo at magpapatupad ng mga polisiya na magiging daan para makompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro.
Sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, nauunawaan niya raw ang takot at pangambang nararamdaman ng mga estudyante, mga magulang at mga guro hinggil sa pagbabalik ng klase sa Agosto.
Batid daw ng kalihim na maaaring hindi pa rin ligtas ang nasabing buwan lalo pa’t umiiral pa rin ngayon ang bantang hatid ng coronavirus crisis.
Tiniyak ni Briones na magpapatupad ang kagawaran ng ligtas na “back to schools program” na bubuuin ng mga health standards upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga nasa lugar na papayagan na ang physical attendance sa mga paaralan.
“I would like to assure everyone, as I have presented to the IATF [Inter-Agency Task Force], that we will observe all the guidelines of the DOH [Department of Health] and the IATF, on whether the risks classification in a locality will allow face-to-face attendance in schools, or not,” ani Briones.
Katunayan, sinabihan na raw ng ahensya ang mga local government units na hindi na raw sila gaanong tumatanggap pa ng mga requests para gawing quarantine facilities ang ibang mga paaralan.
Samantala, inihayag naman ni Briones na magiging “major component” ang distance learning sa paghahatid ng kaalaman para sa nalalapit na school year.
Bagama’t aminado si Briones na marami ang hindi kampante sa ganitong sistema na gagamit ng makabagong teknolohiya, doble kayod na raw sila para maihanda ang bagong pamamaraan sa pagtuturo.
“I similarly acknowledge the fears and apprehensions of our learners, parents and teachers, that we might not be ready for distance learning, with issues about access to online platforms and availability of gadgets,” paliwanag ni Briones. “I assure everyone that we are working double time to ready our system, at the central and field units, to deliver accessible and quality distance education.”