Umapela ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na magkaroon ng ligtas na espasyo ang mga matatanda sa mga pampublikong lugar para mapagbigyang lumabas ang mga ito sa harap ng nararanasang pandemya.
Ayon kay NCSC chair Atty. Franklin Quijano, maliban sa kailangang maging malusog at aktibo ang mga matatanda ngayong may health crisis, dapat ding isaalang-alang ang kanilang mental health.
Iminungkahi ni Quijano ang pagkakaroon ng sariling oras ang mga senior para makapamili ng kanilang mga pangangailangan sa labas.
Nanawagan din ang opisyal sa mga lokal na pamahalaan at sa transport sector na maglaan ng espasyo sa mga senior citizen.
Nagpadala na rin aniya ng liham sa IATF ang NCSC ukol sa apela para sa mga matatanda.
Sa ngayon, ang mga may edad 15 hanggang 65 lamang ang pinapahintulutang makalabas ng mga tahanan.