-- Advertisements --

Nakatakda nang lumabas sa NBA bubble sa Walt Disney World si Portland Trail Blazers guard Damian Lillard upang sumailalim sa karagdagang pagsusuri kasunod ng natamo nitong injury sa kanyang kanang tuhod.

Sa pahayag ng Trail Blazers, aalis si Lillard sa bubble sa Florida at babalik sa Portland sa Huwebes (Biyernes, Manila time).

Kamakailan nang ma-diagnose si Lillard na may knee sprain, na kanyang nakuha noong Game Four ng first-round Western Conference series ng koponan kontra sa Los Angeles Lakers.

Hindi naman binanggit ng team kung may naging papel ang desisyon kay Lillard sa walang katiyakang kapalaran ng NBA season.

Matatandaang ipinagpaliban muna ng liga ang tatlong mga laro na naka-schedule ngayong araw bilang bahagi ng player protest kontra sa racial injustice.

Kasunod ito ng pamamaril ng pulis sa Kenosha, Wisconsin sa Black American na si Jacob Blake sa likod habang nakatingin ang tatlo sa kanyang mga anak.

Sa loob ng Disney bubble, naglista ng average na 30.5 points si Lillard.