Tumabo ng 30 points si Damian Lillard upang buksan ng Portland Trail Blazers ang kanilang kampanya sa postseason sa 104-99 panalo kontra sa No. 6 Oklahoma City Thunder.
Hindi rin nagpaawat sina Enes Kanter na nagdagdag ng 20 points at career playoff-high na 18 rebounds, at si CJ McCollum na may 24 points para sa Blazers.
Bumida naman sa Thunder si Russell Westbrook na kumubra ng 24 points, 10 assists at 10 rebounds para sa kanyang ikasiyam na career postseason triple-double.
Kahit naman namamaga ang balikat ay umasiste pa rin si Paul George para sa Oklahoma na tumipon ng 26 points at 10 rebounds.
Makaraang mabaon ng hanggang 19 points sa first half, nakabangon ang Thunder, 93-92, sa pamamagitan ng 3-pointer ni George sa huling 2:44.
Tumugon si Lillard ng isang 3-pointer para mapanatiling abante ang Blazers, at nakatanggap din ng tulong kay Al-Farouq Aminu na nagpasok ng free throws para mapalawig sa 98-92 ang lamang ng Portland.
Nagbaon ng 3-pointer si George sa nalalabing 8.2 segundo upang mapababa sa tatlo ang agwat ng Thunder, 100-97, ngunit hindi natinag dito ang Blazers.
Gagawin muli sa Moda Center sa Portland ang Game 2 sa araw ng Miyerkules.