Kumubra ng 34 points si Damian Lillard upang sirain ng Portland Trail Blazers ang unang playoff appearance ni LeBron James para sa Los Angeles Lakers sa pamamagitan ng 100-93 panalo sa Game 1 ng playoff series ng koponan.
Hindi rin nagpaawat si Jusuf Nurkic na tumabo ng 16 points at 15 rebounds sa Portland, na umabot sa 16 ang naitalang lamang sa first half.
May triple-double naman si James na 23 points, 17 rebounds at 16 assists, dahilan para ito ang maging kauna-unahang player sa playoffs na naglista ng maraming puntos, rebound, at assist sa playoffs.
Ito rin ang kanyang ika-24 na postseason triple-double at career playoff high din ang kanyang assists.
Ang Lakers naman, na unang beses na nakatapak sa playoff mula noong 2013, ay napaliit ang abante ng kalaban sa 57-56 sa break at napanatiling dikit hanggang sa huling bahagi ng bakbakan.
Baon sa 78-75 bago ang final canto, ipinilit ng Lakers na maitabla ang iskor sa 78 sa pamamagitan ng 3-pointer ni Kyle Kuzma.
Nakuha ng Los Angeles ang abanse matapos ang layup ni James, at nagdagdag si Kuzma ng pares ng free throw at isa pang layup para palawigin ito sa 84-78.
Pumukol ng 3-pointer si Lillard para itabla sa 87 ang iskor sa huling 5:46 at naagaw muli ng Portland ang kalamangan matapos ang floater ni CJ McCollum.
Matapos naman ang layup ni Danny Green na pinantay ang iskor para sa Los Angeles, nagpasok muli ng 3-pointer si Lillard.
Nagsalpak ng dunk si Anthony Davis para ilapit ang Lakers sa 95-93, subalit nagpakawala ng 3-pointer si Gary Trent Jr. upang ibigay sa Blazers ang 98-93 abanse bago selyuhan ng dunk ni Nurkic ang panalo ng koponan.