-- Advertisements --

Nangailangan ang Denver Nuggets ng dalawang overtime game bago tuluyang igupo ang Portland Trail Blazers, 147-140.

Nahirapan din ang Nuggets na gapiin ang Blazers bunsod ng walang humpay na tira mula sa scoring superstar na si Damian Lillard na nagpasok ng playoff record na 55 points kasama na ang playoff record na 12 mga three pointers at meron pang 10 assists.

Dahil dito, nalampasan na ni Lillard ang dating record na hawak ni Klay Thompson ng Warriors.

Dame damian Lillard
Blazers Damian Lillard (photo from @trailblazers)

Una rito, si Lillard din ang naging daan ng Blazers upang mapuwersa ang overtime at maging ang second overtime game.

Naibulalas tuloy ni Trail Blazers coach Terry Stotts na ngayon lamang siya nakakita ng pinakamatinding performance ng isang player sa playoffs.

“It was the best playoff performance I’ve ever seen,” ani coach Stotts.

Binasag ni Lillard ang sarili niyang franchise scoring record na 50 points laban sa Oklahoma City noong April 23, 2019.

Pero sa huling sandali swerteng si Michael Porter Jr. ang nag-angat sa Nuggets upang makalusot sa epic comeback sana ng Denver nang maipasok niya ang 3-pointer kahit may 1:33 ang natitira sa second overtime.

Halos magtala rin naman si Nikola Jokic ng triple-double nang magpakawala siya ng 38 points.

Samantala ang Game 6 ay babalik sa Portland na gaganapin sa Biyernes upang tangkaing maitabla ang serye matapos makuha ng Nuggets ang 3-2 sa best-of-seven series.