(Update) CENTRAL MINDANAO – Sinampahan na ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sa City Prosecutor’s Office ang limang mga suspek na isinangkot sa tinaguriang rent a car scam sa siyudad ng Cotabato.
Nakilala ang mga suspek na sina Cassandra Sharijane Dinayugan, may-ari ng Lahdin’s Trucking and Car Rental, Richard Dinayugan, Pancho Balawag, Concepcion Balawag at Kandi Samuel.
Sinabi ni NBI-BARMM regional director Atty. Arnold Rosales ang kaso ay kinabibilangan ng syndicated estafa at carnapping laban sa mga suspek.
Una rito, umaabot sa 152 katao ang nabiktima ng rent a car scam at nagkakahalaga na ng P150 milyon ang nakulimbat.
Dagdag pa ni Rosales, hinihintay na lamang ng kanyang tanggapan ang ilalabas na warrant of arrest ng korte laban sa mga suspek.
Bago lamang ay limang hot car ang nabawi ng Highway Patrol Group-BARMM sa Jolo, Sulu na kabilang sa rent a car scam.
Karamihan sa mga binintahan ng mga sasakyan ay mga opisyal ng militar, pulisya, mga lokal na opisyal at mga negosyante.
Modus ng grupo na magrenta ng sasakyan, babayaran umano ang nirentahan at ibibinta sa ibang tao.