Lubos na pakikiramay ang ipinaabot ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa naiwang pamilya ng limang rescuers sa Bulacan.
Ito ay matapos na umano’y masawi ang limang miyembro ng Bulacan Provincial Rescue team habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding sa bansa.
Ayon kay Officer-in-Charge Police Lieutenant General Jose Chiquito Malayo, agad na rumesponde ang pulisya para tumulong sa recovery ng mga bangkay matapos na makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na nakatuklas sa mga ito sa isang palayang puno ng tubig.
Ang naturang mga labi ay kalauna’y kinilala ng pulisya batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon na sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin na pawang mga miyembro ng Bulacan Provincial Rescuers na nasawi matapos na tangayin ng malakas na agos ang bangkang kanilang sinasakyan sa kasagsagan ng paghagupit ni Bagyong Karding.
Sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Governor Daniel Fernando na bibigyan ng mataas na parangal ng provincial government ang nasawing rescuers kasabay ng pagtiyak na tutulungan nila ang mga naulilang pamilya ng naturang mga biktima ng kalamidad.
Samantala, sa kabilang banda naman ay iniulat ng local civil defense office ng Quezon province na isang matandang lalaki ang nasawi rin sa pananalasa ng bagyong Karding matapos itong malibing naman ng buhay dahil sa pagguho ng lupa sa Burdeos sa Polilio Island.
Una rito ay kinumpirma na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDDRMC) na mayroon pa silang anim na mga mangingisda mula Camarines Norte ang kasalukuyan nilang hinahanap matapos na maglayag pa rin ang mga ito kahit na masama ang panahon.