Makakatanggap ang Pilipinas ng $10 million o katumbas ng P554 million. Ito ay bahagi ng Japanese grant na may layuning mapalakas ang surveillance capabilities ng Pilipinas laban sa mga emerging diseases, kasama ang COVID-19.
Ang naturnag pondo ay idadaan sa pamamagitan ng Asia-Europe Foundation (ASEF) Stockpile Project for Strengthening Preparedness and Response to COVID-19 and Other Emerging Diseases.
Naatasan ang International Federation of the Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC) na mag-implementa sa naturang pondo.
Kabilang sa mga maaaring paglaanan nito ay ang pagbili at distribusyon ng mga pangunahing medical equipment, mga supplies, at vaccines, medical devices, at iba pang mga pangangailangan para matugunan ang mga kaso ng COVID 19 o iba pang maaaring lumabas na kaso sa hinaharap.
Maliban sa Pilipinas, kabilang din ang iba pang mga bansa na makakatanggap ng katulad na pondo. Kasama dito ang Bangladesh, Indonesia, Malaysia, at Pakistan.
Ayon sa Japanese Embassy na nakabase sa Pilipinas, ang naturang tulong ay bahagi ng pagsuporta ng Japan sa mga international collaboration at partnership para matugunan ang mga krisis sa kalusugan na nakaka-apekto sa Asia at iba pang bahagi ng mundo.