-- Advertisements --

Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang limang blacklisted Chinese nationals sa Zamboanga International Airport. 

Kinilala ang mga suspek na sina Ying Guanzhen, 31-anyos; Yang Jinlong, 29-anyos; Liu Xin, 28-anyos; Shen Kan, 36-anyos; at Luo Honglin, 27-anyos. 

Nahuli ang mga ito sa isang joint operation ng BI Intelligence Division at ng Fugitive Search Unit. 

Ibinunyag ng ahensya na ang dalawa sa mga naarestong dayuhan ay mga fujgitive wanted sa China, habang ang lahat ay dating nauugnay sa Lucky South 99, isang kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid dahil sa umano’y ilegal na aktibidad.

Tinangka umano ng grupo na tumakas sa bansa sa pamamagitan ng backdoor route mula Tawi-Tawi hanggang Sabah, Malaysia at kumuha ng “transporter” upang makaiwas sa mga otoridad. 

Gayunpaman, pumalya ang makina ng bangka na kanilang sinakyan malapit sa Languyan Island, Tawi-Tawi, kung saan sila naharang ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ipinabatid naman sa kanila ang kanilang immigration violation at saka Itinurn-over sa Philippine National Police habang hinihintay ang kanilang deportation.