-- Advertisements --

Arestado ang limang Chinese nationals matapos tangkaing tumakas papuntang Sabah, Malaysia sa pamamagitan ng isang iligal na backdoor sa Tawi-tawi.

Ayon sa mga kawani ng Bureau of Immigration (BI), kabilang ang limang Chinese na ito sa kanilang blacklist na kinilala bilang sina, Ying Guanzhen, 31-anyos; Yang Jinlong, 29; Liu Xin, 28; Shen Kan, 36; at Luo Honglin, 27 kung saan dalawa sa mga ito ay mga pugante sa China at hinihinalang may koneksyon sa Lucky South 99.

Ayon sa BI, nakatanggap sila ng isang impormasyon mula sa government intelligence agency tungkol sa isasagawang pagtakas ng isang grupo sakay ng isang bangka na magmumula sa Tawi-tawi sa pamamagitan ng isang ‘transporter’ na siyang iligal na nagaayos ng mga biyahe palabas ng Pilipinas.

Samantala, agad na iniutos ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang agarang pagaresto sa limang banyaga at agad ding nagbigay ng kaniyang pasasalamat sa intelligence agencies na nagbigay ng impormasyon para sa matagumpay na pagsakote sa mga naturang indibidwal.

Sa ngayon nananatili naman sa kustodiya ng BI ang limang banyaga habang nagpapatuloy ang pagasikaso ng ahensya sa kanilang deportation proceedings.