Kinumpirma ng Police Regional Office-5 na aabot sa 5,138 na mga personnel mula sa iba’t-ibang unit ang ipapakalat para magbigay seguridad sa muling pagdiriwang ng Peñafrancia Festival sa Naga City ngayong buwan.
Ayon kay PNP-Bicol Director Police Brig. Gen. Andre P. Dizon, binubuo ito ng Philippine National Police, Philippine Army , Bureau of Fire Protection , PCG , PNP Units at iba pa.
Aniya , hindi baba sa dalawang libong police personnel ang ipapakalat sa Naga City para sa isasagawang Traslacion sa September 13 at fluvial procession sa darating na September 21.
Ngayong taon ang anibersaryo ng canonical coronation ng imahe ng Our Lady of Peñafrancia.
Inaasahang milyong-milyong Pilipino ang dadalo sa napakalaking religious event sa Bicol Region.
Pinayuhan din ni Dizon ang mga deboto, turista, at bisita na iwasan ang pagdadala ng mga nakamamatay na armas upang maiwasan ang abala.
Ipapataw din ang gun ban bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad sa buong buwang pagdiriwang.