Isinasapinal na ng Department of Health (DOH) ang procurement o pagbili ng mga flu vaccines o bakuna laban sa trankaso.
Batay sa statement na inilabas ng DOH, posibleng pagpasok ng Agosto ay maidedeliver na ang mga naturang bakuna.
Kabuuang limang milyong dose ang bibilhin ng health department na inaasahang gagamitin ng mga nakakatandang populasyon ng bansa o mga senior citizen.
Kapag nailabas na ang mga bakina, maaari na umano itong ibigay sa mga mahihirap na senior upang mabigyang proteksyon ang mga ito laban sa influenza.
Batay pa sa statement ng DOH, ang vaccination program para sa mga senior ay magtutuloy-tuloy hanggang sa huling bahagi ng 2023.
Maalalang una nang ibinabala ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante ang posibilidad na pagtaas ng kaso ng influenza simula ngayong buwan kayat kailangan nang madaliin ang pagbili ng mga flu vaccine para sa mga senior.
Ang maagang pagbabakuna sa mga senior aniya ay magiging daan upang maprotektahan ang mga senior laban sa naturang sakit na kadalasang tumataas mula Agosto hanggang Disyembre.