Balik-Pinas na ang limang overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Haiti.
Dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at sinalubong ng mga opisyal ng Department of Migrant Workers.
Nagbigay naman ang ahensiya ng tulong at ibat ibang reintegration support sa mga Pinoy workers. Ang bahagi ng naturang tulong ay mula sa DMW Aksyon Fund.
Ang limang OFW ay ang unang batch ng mga Pinoy workers na nagpahayag ng interest na umuwi sa Pilipinas kasunod na rin ng tumitinding gang-related violence sa naturang bansa.
Mayroong inisyal na 40 OFW na nagpahayag ng interest na makabalik, at patuloy pa ring inaasikaso ng DMW.
Ayon sa DMW, ang pagpapauwi sa mga ito ay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration.
Nitong unang linggo ng Marso, 2024 nang isailalim and Haiti sa State of Emergency kasunod na rin ng sunod-sunod na mga gang assault at iba pang kaguluhan na kagagawan ng iba’t ibang mga gang sa naturang bansa.
Batay sa inilabas na ulat ng United Nations, halos 80% na ng kapital ng Haiti(Port-au-Prince) ang kontrolado ng mga gang, kasama na ang mga pangunahing kalsada papasok at palabas dito.
Umaabot na rin sa halos 600,000 na katao ang nawalan ng tirahan sa loob lamang ng unang apat na buwan ng taon, at posibleng magtutuloy pa ang pagdami nito, dahil sa kaguluhan.