Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na dadaan sa mabusising evaluation ang mungkahing pagsasagawa ng limitadong pisikal na klase sa mga lugar na itinuturing na low-risk areas.
Sa darating na Lunes kasi ay nakatakdang ipresinta ng DepEd ang proposal kaugnay sa limited face-to-face classes kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, naipabatid na kay Pangulong Duterte ang naturang mungkahi, at natalakay na rin sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) kamakailan.
Nanindigan naman ang kalihim na bagama’t bukas sila sa mga proposal, applicable lamang ang limitadong pisikal na klase sa mga paaralang nasa low-risk areas na kayang makapagsagawa ng social distancing, maliban pa sa mayroong regular na suplay ng tubig, proper ventilation, hand-washing facilities, at may sapat na suplay ng gamot para sa kapwa estudyante at mga guro.
“It does not mean that all those in low risk assessment can do this,” wika ni Briones. “There should be a careful evaluation before we allow a limited face-to-face sessions.”
Una rito, sinabi ni COVID-19 response chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr na may ilang kondisyon ang dapat na masunod bago makapagsagawa ng limited face-to-face learning sa mga paaralan.
Sa mga paaralan sa elementarya at sekondarya, kailangang magsagawa muna ng inspeksyon at kailangang alisin ang mga playground kung saan hindi makokontrol ang pagkukumpulan ng mga bata.
Kailangan din daw walang canteen na parang buffet style dahil dito posibleng magkakahawaan ng virus lalo walang face mask kapag kumakain at magkakaharap pa.
Idinagdag pa ni Sec. Galvez na dapat din magkaroon ng re-engineering sa mga paaralan para sa isang entry gate at isang hiwalay na exit gate para hindi magkakasalubungan ang mga bata.