Iniulat ng Department of Education (DepEd) na nananatiling walang kaso ng COVID-19 (Coronavirs Disease 2019) ang mga paaralan na nagpatupad ng limitadong physical learning.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa isang briefing, nasa 7,324 Filipino students ang bumalik na sa mga public school, na unang pagkakataon mula nang tumama ang pandemya.
Ang two-month pilot study ng DepEd ay nagbibigay-daan para sa 100 pampubliko at 20 pribadong paaralan na magsisimula ng “limited in-person classes” at mahigit pa ang inaasahang isasama sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Garma, walang nakitang impeksyon ng virus sa 56 pampublikong paaralan na nagsumite ng mga ulat sa ahensya.
Gayunman, ang ilan ay nagpakita ng mga sintomas kung saan walong estudyante ang may lagnat, 76 ang may ubo at sipon, at isa na may namamagang lalamunan.
May isang tauhan ng paaralan din ang nagkaroon ng ubo at sipon, habang ang isang bisita ay nilalagnat.
Kung maaalala, ang DepEd at ang Department of Health ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno na inatasang magpatupad ng pilot study sa face-to-face classes.