LEGAZPI CITY – Umalma si BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa rekomendasyon na ipatupad na ang limited face-to-face classes sa basic education level sa mga low-risk areas sa COVID-19.
Paliwanag ni Co sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pahirapan ang magiging pagsunod sa health protocols kung uunahin sa direktiba ang mga bata.
Likas umano kasi sa mga ito ang interaksyon at pagiging playful kaya’t maaring malabag ang social distancing at iba pang guidelines.
Imbes na mga bata, suhestiyon ni Co na mas maiging paunti-unti itong ipatupad sa tertiary level o kolehiyo na mas alam na ang protocols.
Maari umanong 30% muna ang payagan sa loob ng classroom at sakaling may bakuna nang available saka na lang magdagdag ng bilang.
Makabubuti rin aniya kung mabakunahan muna ang mga guro at maisama sa mga prayoridad sa COVID-19 vaccine.
Sa hiwalay na panayam kay Commission on Higher Education (CHED) Bicol Director Freddie Bernal, naghihintay lamang umano sila sa direktiba at guidelines na ibababa ng central office ukol dito.