LEGAZPI CITY – Normal pa umanong maituturing ang paggalaw ng mga fault sa bansa at minsang pagkakaroon ng malalakas na lindol.
Pahayag ito ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi matapos ang naitalang Magnitude 4.0 na lindol na sentro ang Pio V. Corpus, Masbate.
Ayon kay Solidum, naramdaman rin ang pagyanig sa lungsod ng Legazpi dahil may kalakasan ang lindol sa island province na may lalim na 30 kilometro.
Inaalam pa umano ngayon kung ano ang iba pang epekto ng nangyari sa dulo ng Masbate.
Nilinaw naman ni Solidum na hindi namang gaanong magiging mapaminsala ang lindol habang wala rin umanong kaugnayan sa una nang malalakas na lindol na naitala sa bahagi ng Visayas at Luzon.
Aniya, hindi naman isinasantabi ang posibilidad sa pagkakaroon ng mas malalakas na pagyanig subalit hindi pa naman umano ito nakikita ang pattern sa kasalukuyan.