-- Advertisements --

Posible umanong sa China na talakayin ng mga basketball officials ng Pilipinas ang magiging komposisyon ng national basketball team ng bansa para sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao, hindi pa nila mapag-usapan nang husto ang paksa na SEA Games dahil sa nakapokus pa sila ngayon sa FIBA World Cup, na mag-uumpisa na sa susunod na linggo sa China.

Gayunman, sinabi ni Guiao na inuunti-unti nila ang SEA Games lalo pa’t ilang linggo na lamang bago ang deadline ng pasahan ng roster.

“Of course, hindi pa namin napag-uusapan ng husto ‘yung SEA Games dahil we are trying to focus on the World Cup, except that meron na rin silang hinihinging list,” wika ni Guiao.

“Pinag-uusapan namin internally kung sino ang nasa list. Pero siguro, kung sakali man, sa China na pag-uusapan kapag nabuo na ‘tong team natin (for the World Cup),” dagdag nito.

“Buo-in muna natin ‘yung team natin bago tayo mag-isip na bumuo uli ng panibagong team,” anang coach.

Nagtakda ng September 2 deadline ang Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) para sa pangalan ng mga lalahok na atleta.

Samantala, sinabi ni Guiao na tiyak na ang puwesto sa SEA Games ng mga players na hindi makaksama sa opisyal na roster para sa World Cup.

“Hindi naman 100 percent but I’m assuring the guys, if there will be cuts made, 15 ‘yan kasama si Marcio, ibig sabihin, ‘yung tatlo, hindi makakalaro. I will make sure that they will have a slot in the SEA Games. That’s the only thing I can guarantee at this point,” ani Guiao.