BAGUIO CITY – Napanatili ni Bangued, Abra incumbent Mayor Dominic Valera ang kanyang posisyon habang magiging bise alkalde niya ang kanyang mismong asawa na si Mila Valera.
Ang mag-asawa ay mula sa partido pulitika ng Asenso Manileño Movement.
Nakakuha si Dominic Valera ng 21,425 na boto na nagresulta para matalo niya ang challenger na si Ryan Luna mula PDP-Laban ng 5,481 na boto.
Samantala, nasungkit ng lahat ng walong kaline-up ng mga ito sa pagkakonsehal ang unang walong pwesto sa nasabing bayan.
Ipinagmalaki naman ni Bangued election officer Atty. John Paul Martin na ang Malita Primary School sa nasabing bayan ang kauna-unahang nag-transmit ng mga resulta para sa 2019 midterm elections kahapon.
Natanggap ang mga resulta mula sa 364 na precincts sa nasabing paaralan dakong alas-6:05 ng gabi kahapon.
Samantala, sinabi ni Abra provincial election officer Atty. Dexter Barry Cawis na generally manageable ang naging halalan sa nasabing lalawigan.
Aniya, ito ay sa kabila ng pagmalfunction ng mga ilang vote counting machines sa mga bayan ng Pidigan, Manabo, San Juan at Malibcong dahil agad namang napalitan ang mga ito.
Sinabi pa niya na nagawa ng mga pulis at mga sundado na i-manage ang mga napabalitang komosyon o hindi magandang insidente sa ilang polling places sa Dolores, Lagayan at Bangued sa Abra.