DAGUPAN CITY — Ligtas mula sa nakamamatay na coronavirus disease-2019 (COVID-19) si Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil, matapos na isa rin ito sa nakasalamuha ng Filipina-Australian na nagpositibo sa naturang sakit.
Ito ang nabatid sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan sa Alkalde kung saan kinumpirma nito na sumailalim ito sa self-quarrantine dahil nagsilbi din aniya itong panauhing pandangal sa reunion na dinaluhan ng Australian na nagpositibo sa COVID-19.
Aminado ito na ginawa niya ang naturang hakbang upang mapawi narin ang pangamba ng kaniyang nasasakupan itoy kahit pa sa incubation period simula ng malantad ito sa COVID Positive patient ay wala naman itong naramdamang anumang sintomas.
Nabatid na bukod sa self-quarrantine minabuti nitong magpasuri narin ng kanilang blood samples na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kung saan negatibo ang naging resulta.
Bago maging Alkalde ngayon ng bayan, nagsilbi ito bilang 2nd district Representative ng Pangasinan sa loob ng tatlong termino. Bukod dito siya din ay isang retired police officer at ilang beses ding naging spokesperson ng Philippine National Police (PNP).