Magsasagawa ang binuong Inter-agency Task Force ng lingguhang aerial inspection para matukoy ang mga lugar na apektado at ang lawak ng pinsalang dulot ng oil spill sa Bataan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., ang hakbang na ito ay para mapawi ang mga tsismis o walang basehang impormasyon na maaaring maghasik ng labis na takot sa publiko hinggil sa Bataan oil spill.
Paliwanag pa ng kalihim na ginagawa nila ito para hindi magpanic ang publiko sa epekto ng tumagas na langis.
Muli namang iginiit ni Sec. Abalos na ang anumang uri ng fake news, tsismis o walang basehang maling impormasyon ay magdudulot ng pagka-alarma at panic sa publiko.
Tiniyak din ni Abalos na magsasagawa ng regular na inspeksyon upang ipaalam sa publiko ang aktwal na sitwasyon sa ground at i-highlight ang kahandaan ng gobyerno sa lahat ng aspeto ng sitwasyon.
Nagpahayag din ng labis na suporta ang DILG chief sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa sistemang “pa-ihi” sa pag-asang mailantad ang lahat ng mga sangkot na partido.
Ipinaliwanag ni Abalos na ang “pa-ihi’’ ay isang pamamaraan kung saan ang mga smuggler ay humihigop ng mga produktong langis patungo sa mas maliliit na sasakyang pandagat bago ang aktwal na delivery nito upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.
Sa huli, sinabi ng kalihim na dapat imbestigahan ito at dapat idemanda ang mga responsable dito.